Biyernes Santo, araw ngayon ng paggunita sa kamatayan ni Hesu Kristo. Kasabay din nito ay ang pagkamatay ng aking bulsa. Magsisimba sana ako ngayong araw na ito pero hindi ko nagawa dahil kulang ang aking pera na pamasahe patungong simbahan. Pati ang aking mga kasama hindi rin nakapunta dahil halos pare pareho lang kami ng problema. 10 dirhams na lang kasi ang natitirang pera sa aking pitaka at itoy hindi sapat upang akoy makarating sa simbahan. Hindi rin naman pwedeng lakarin dahil malayo ito sa amin. Kapag itoy aking lalakarin, parang nilakad ko na rin mula north edsa hanggang sa pasay rotonda sabay pasok sa may sogo hotel na malapit sa may mrt station taft para magpahinga. kulang na lang ay krus sa aking balikat para kasali na rin ako sa mga nagpepenitensiya sa Pampanga. Di rin kasi kaya ng powers ko na maglakad ng malayo baka kasi umatake na naman ang aking rayuma. Mahirap na, walang mag-aalaga sa akin dito pag hindi ako makatayo.
Kahit hindi ako nakapunta sa simbahan, hindi ibig sabihin na hindi na ako nagdasal. Nagawa ko pa rin naman na kausapin Siya sa pamamagitan ng taimtim na pagdarasal sa loob ng aking kwarto. Nagpasalamat sa mga biyaya na binigay Niya sa akin at sa aking pamilya at sa Kanyang sakripisyo para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan.
Dahil kumpleto kami ngayon dito sa aming kwarto, nagkaroon kami ngayon ng mas mahabang bonding. Tulong tulong sa paglilinis ng kwarto, pagliligpit sa mga gamit na laging nakakalat sa sahig..i.e.plato, baso, kaldero, damit, atbp….mahabahabang kwentuhan, tawanan, kantsawan at higit sa lahat ang magpapasaya sana sa lahat, ang inuman. Buti na lang walang mabilhan saka walang pera na pambili ng aming tiki tiki kaya walang tagay….hehehe…nakausap ko rin ang aking moder dear nitong araw na ito, not once but twice pa sabi ni susan roces kay PGMA. Buti na lang tumawag ako sa amin, kung hindi ako tumawag,hindi ko pa alam na hinihintay na pala nila ang aking ipapadala na pera na gagamitin sa nalalapit na ika-isang anibersaryo ng pagkamatay ng aking mahal na ama. Sa totoo lang, ngayon sana ako dapat magpadala pero sa malas ni kulas, gaya ng inaasahan, delayed na naman ang aming sahod. Sahod na dadaan lang sa aking palad na malapad.
SINGIT LANG
May pumasok sa aming kwarto na hindi kumatok. Hindi ako sure kung isa siyang itik o banggali. Siguro nadapa siya ng malakas o ewan ko lang kasi nakasemento ang kanyang kaliwang kamay. Humihingi siya ng tulong para daw sa kanyang gamot. Naawa ako sa kanyang kalagayan kaya agad ko siyang binigyan ng 5 dirhams. Yung 10 dirhams ko 5 n lang..pero okey lang sa akin,mabait ako eh, saka baka mas kailangan niya yun ngayon. Gamitin man niya yun sa mali o tamang paraan, ang sa akin lang ay naipamahagi ko na ang dapat kong ipamahagi sa aking kapwa na bukal sa aking puso, kabayan man yan o ibang lahi. Nagpasalamt naman siya sa akin sabay alis.
Hayss Friday! Ilang araw na lang ay Easter na. Sana, sa muling pagkabuhay ni Hesu Kristo, sasabay din sana ang pagkabuhay at pagbibigay ng aming delayed na sahod….wish ko lang…
HAPPY EASTER TO ALL…..